By Conrado de QuirosPhilippine Daily InquirerFirst Posted 01:05:00 08/20/
Maraming nag-text sa akin matapos mabasa ’yung kolum ko noong Lunes, “Ser, isa pa nga.”
Bakit nga hindi? Bitin nga ang isa, parang beer. Agosto pa rin naman, at buwan pa rin ng Wika. At bukas ay Agosto 21, isang makasaysayang araw na humihiling—hindi, nag-uutos—na gunitain sa paraang malapit sa kamalayang Pilipino. Ano pa ang mas malapit sa kamalayang Pilipino kundi wikang Pilipino? Kahit na pang-text lang ang alam kong Pilipino.
Hindi mahirap hanapin ang paksa para dyan. Iisa ang tampok na elemento sa Agosto 21, isang elemento na tampok din ngayon sa pagkawala. Yan ang katapangan.
Matapang tayo noon, duwag tayo ngayon.
Katapangan ang buod ng mga katagang, “Hindi ka nag-iisa.” Yan ang mga katagang umalingawngaw sa buong bayan matapos pagbabarilin si Ninoy Aquino sa airport noong Agosto 21, 1983. Sa buong panahon ng pagkaburol n’ya, at lalong-lalo na sa pagdala sa kanya sa huling hantungan, yan ang madasaling binubulong, o galit na sinisigaw, ng taongbayan: “Hindi ka nag-iisa.”
Ano nga ba ang ibig sabihin ng “Hindi ka nag-iisa?”
Simple lang. Hindi ka nag-iisa dahil, kagaya mo, handa rin kaming magsakripisyo para sa bayan. Kagaya mo, handa rin kaming kumilos para sa bayan. Kagaya mo, handa rin kaming mamatay para sa bayan.
Mga katagang sinabi, o pinahiwatig, natin noon hindi lang kay Ninoy kundi sa lahat ng nagbuwis ng buhay sa panahon ng kadiliman—marami sa kanila ay nasa Wall of Remembrance ng Bantayog ng mga Bayani ngayon. ’Yan din ang isa pang kahulugan ng “Hindi ka nag-iisa.” Hindi lang si Ninoy ang nagbuwis ng buhay para sa bayan noong panahong ’yon, marami pa.
Sino na lang ang nagsasabi ng “Hindi ka nag-iisa” ngayon? O sino na lang ang nagsasabi n’yan ngayon na me gano’ng kahulugan? Dahil pag naririnig ko ang “Hindi ka nag-iisa” ngayon, ang dating sa ’kin ay parang death wish na lang ng Pinoy. Tipong: “O, sige, isali n’yo na rin ako sa kabaong. Tama na, sobra na, ayoko na. Suko na ini. ”
Paano tayo umabot sa gano’n? Paano tayo nawalan ng katapangan? O diretsuhin na natin, paano tayo naduwag?
Gusto ko sanang sabihing nabakla na siguro tayo, pero di lang sa magagalit sa akin ang mga kaibigan kong bakla kundi marami akong kilalang bakla na matapang. Nangunguna na d’yan si Lino Brocka na sa tindi ng galit sa mga kahibangan noon ni Manoling Morato ay sinigawan ng “Bakla!” Iilan lang ang kakilala kong makakatapat kay Brocka sa katapangan.
Ang nakikita na lang nating katapangan ngayon, at talaga namang laganap na, ay katapangan ng apog. Ang katapangangang yon ay wala ring pinipiling kampon, babae, lalaki o bakla. Equal opportunity, ika nga. Tapang ng apog ang kumikitil sa bayan, tapang ng apog ang pumapatay sa bayan. Tingnan mo ang mga nasa poder ngayon at tanong mo sa sarili kung may makikita ka ring katapat nila sa ganyang katapangan.
Pero yo’ng totoong katapangan, nasaan na?
Angal tayo ng angal, wala naman tayong ginagawa para tigilan ang kawalanghiyaan. Angal tayo ng angal, hindi naman tayo kumikilos para paayusin ang buhay.
Sino’ng inaasahan nating gagawa niyan? Ang Diyos, sa pamagitan ng pagbigay ng lupus o sakit ng tiyan sa pagkabondat sa mga taong bwisit sa buhay natin? Ang Amerika, na nagpapanggap na tagapagtanggol ng demokrasya sa buong mundo pero ayos lang na masikil ang kalayaan sa bansa ni Una? O “sila na lang,” ang ating mga kapitbahay na lang, ang ating mga tagapagtanggol na lang, dahil tayo ay me pamilya, dahil tayo ay kailangang maghanap-buhay, dahil tayo ay sobrang busy.
Sino ba ang walang pamilya? Kaya ka nga kumikilos ay para masilayan ng mga anak mo ang isang lipunang may liwanag at katarungan. Sino ba ang di kailangang maghanap-buhay? Kaya ka nga naghahanap ng buhay para di mo matagpuan ang patay—na pwedeng maging literal balang araw sa bangkay ng anak mo na lulutang-lutang sa ilog dahil ginawa n’ya ang di mo ginawa, ang di mo nagawa, ang di mo magawa. Dahil takot ka. Dahil busy ka.
Nakanino ba ang kapangyarihang hintuin ang katiwalian? Nakanino ba ang kapangyarihang hintuin ang pagbansot sa bayan? Di ba nasa atin? Di ba pag nagagalit tayo ay napipigilan nating bumili ng mamahaling jet ang mumurahing tao? Di pa kumikilos tayo ay napipigilan natin isulong ang Cha-cha ng mga taong di naman marunong sumayaw? Di ba pag pinapakita natin ang ating kapangyarihan ay napapatalsik natin ang mga taong kapit-tuko sa kapangyarihan?
Me mga nagsasabi na hindi naman tayo nawalan ng tapang, nawalan lang tayo ng paki. Gano’n din ’yon. Kaduwagan din yon. O higit pa ro’n. Dahil ngayon hindi ka lang takot mamatay, takot ka pang mabuhay.
Bukas, maraming mga pagtitipon-tipon sa paggunita ng makasaysayang Agosto 21. Isa na dyan ay ang prayer rally sa Ninoy statue sa Ayala na gaganapin sa ika-3:00 ng hapon hanggang gabi. Na ang hiling ng mga organizers ay kung maaari ay magsuot ng dilaw ang mga tao para ipakita ang pakikiramay, pagpupugay, at pakikiisa kay Cory. Hanep din tayong Pinoy ano: Dilaw ang kulay ng kaduwagan sa ibang bansa, dilaw ang kulay ng katapangan sa ating bansa.
Pwede kang sumama rito at sumigaw ng “Tama na, sobra na, palitan na” para sa kinabukasan ng mga anak mo. Pwede kang sumama rito para magsabi kay Inang Bayan, “Hindi ka nag-iisa,” handa rin kaming mamatay nang dahil sa ’yo, at higit na handang mabuhay nang para sa yo. Pwede kang sumama rito para ipakita na hindi pa nawawala ang katapangan sa bayan ko, binihag ka, ang dugo ng mga bayani ay nananalaytay sa mga ugat mo.
O pwede kang huwag sumama rito dahil ang bukang-bibig mo ngayon ay hindi na “Hindi ka nag-iisa” kundi “Bahala ka sa buhay mo.” Pwede kang huwag sumama rito dahil marami ka pang mahalagang gagawin, kagaya nang manuod ng “G.I Joe.” Pwede kang huwag sumama rito dahil mas okay sa yo ang maging patay kahit buhay pa kesa maging buhay kahit patay na. Pero kung gano’n:
Mag-isa ka.